Connect with us

Hi, what are you looking for?

Tiebreaker Times

AVC U23: Sasama ka ba sa kanilang pagbangon?


Ang pawang pagsugod ni Ennajie Laure patungo sa isa sa mga 4×10 tarpaulin boards na kung saan nakalagay ang logo ng mga tagapanagot ng Asian Women’s Under-23 Volleyball Championship, upang subukang sagipin ang bola sa ikalawang set ng laban kontra Chinese ay sumasalamin sa kung bakit sumali ang Team Philippines sa naturang paligsahan: narito sila para lumaban.

Bagama’t nagresulta lamang sa isang chance ball para sa koponan ng Chinese Taipei ang galaw, itinuloy pa rin ito ni Laure sa kagustuhang panatilihing buhay ang bola, dahil isa ito sa mga lubhang kailangan sa larong volleyball.

Naging madali na para sa Chinese Taipei ang pagpuntos matapos ang ibinigay na free ball, ngunit sa pagpapakita ng lakas at pagsisikap, ang katapangan sa gitna ng umaatikabong laban ay ilan sa mga katangiang bumubuo sa ating koponan at marahil ay kumakatawan na rin ng mga katangian ng mga Pilipino sa larangan ng buhay.

Sa kabila ng paulit-ulit na paghampas ng bagyo, sa kabila ng mabagsik na langitngit ng kahirapan at tuloy-tuloy na pagbuhos ng mga pagsubok sa buhay, hindi tumitigil ang Pilipino sa paghampas ng mga alon at humarap sa mga hamong ibinibigay ng kapalaran.

Nakakalungkot isipin na sa kabila ng pag-aalay ng di-mabilang na oras at pawis ng mga kasapi sa Team Pilipinas para sa paglalaro ng volleyball, marami pa rin ang nanghihinayang sa ipinakita ng koponan noong Martes.

Ngunit para isipin na sila ang nakikilahok sa laro upang magbuwis ng lakas para mapasaya ang mga tagasubaybay at bigyang lingkod at parangal ang ating bayan, nakakadismaya na mismong mga taga-suporta pa ang sumusuko.

11200880_664079820403503_8615687696088569694_n AVC U23: Sasama ka ba sa kanilang pagbangon?  - philippine sports news

Oo, hindi naging madali para sa Team Pilipinas ang laban kontra sa isang mas malakas na koponan. Ngunit kung tayo ay may kirot na nararamdaman sa ating mga dibdib, isipin na lang natin kung ano pa ang nararamdaman ng mga naglalaro sa loob ng court at kapusin sa bandang huli.

Kung sila’y may kakayahang matanggap ang isang masaklap na pagkatalo, walang dahilan para ang mga taga-suporta pa ang bumitiw sa gitna ng laban.

May tatlo pang laban ang Team Pilipinas sa susunod na tatlong araw, at bukod sa paghahanda, ay higit na kina-kailangan ng koponan ang nag-aalab na suporta ng kanilang mga kababayan.

Para saan pa ang pagsasagawa ng isang patimpalak sa ating sariling bayan, kung mismong mga kababayan natin ang hihila sa ating koponan pababa?

Mapalad ang lahat na makita ang ating sariling mga kababayan na pinahihirapan at napapahanga ang mga dayuhan na nakaranas na ng makilahok sa mga world championship.

11201620_664079573736861_4728874001840751794_n AVC U23: Sasama ka ba sa kanilang pagbangon?  - philippine sports news

Tuloy lang ang laban para sa Team Pilipinas, kagaya ng pakikipagsapalaran ng karamihan sa mga Pilipino.

Walang dahilan para sumuko at walang panahon para tumigil.

Walang ibang dapat gawin kundi bumangon, umangat, at pagtagumpayan ang hamon sa mundo ng volleyball.

Written By


You May Also Like

Advertisement